Binunot ng mga Pilipinong magsasaka ang transgenic biofortified rice na kilala bilang ‘Golden Rice’ sa fields trials nito sa Pili, Camarines Sur, Philippines upang pigilan ang nakakaambang komersiyalisasyon nito.Layunin ng “biofortification” na dagdagan ng ilang piling nutrisyon ang mga pananim gamit ang plant breeding, tradisyunal man o gamit ang makabagong biotechnology. Bagama’t 40 klase ng bitamina at mineral ang kailangan ng ating katawan para sa mabuting kalusugan, nakatutok lamang ang pananaliksik sa mga biofortified na pananim sa tatlo: zinc, iron at vitamin A.Kasalukuyang pinag-aaralan ang paglikha ng mga biofortified na palay, trigo, sorghum, saging, lentil, patatas, kamote, kamoteng-kahoy, beans at mais sa Africa, Asya at Latin America. Pinangangasiwaan ng Consultative Group on International Agricultural Research (CGIAR) ang bahagi ng pananaliksik na nahahati sa tatlong pangunahing yunit: ang International Rice Research Institute (IRRI) na nakatutok sa genetically modified (GM) na palay; ang International Potato Centre na nakatutok sa mga patatas at kamote; at ang HarvestPlus Programme, na nag-uugnay sa lahat. Galing ang pondo ng mga pag-aaral na ito mula sa Bill and Melinda Gates Foundation, USAID, at iba pa. Nagbibigay din ng pondo para sa mga pribadong pananaliksik ang mga kumpanyang gaya ng PepsiCo, Dupont, Bayer, Nestle at iba pa.Ayon sa mga proponents ng biofortification, isa itong murang paraan upang tugunan ang malnutrisyon: kapag ipinalahi ito sa halaman, maaari na itong itanim ng paulit-ulit. Madalas silang gumagamit ng mga mapanlinlang na lenggwahe upang i-promote ang mga pananim na ito, gaya ng salitang “biofortified”na tila pinapalabas na ang ibang mga pagkain o pananim ay sadyang mahina o kulang sa nutrisyon.Gamit ang mga terminong “golden rice,” “super banana” at “orange maize,” nais kumbinsihin ang mga consumer na mas superyor ang mga biofortified na mga pananim at pagkain kumpara sa mga natural o hindi biofortified. Kadalasang rehistrado ang mga pangalan, o mismong ang mga pananim o binhi, bilang intellectual property o karapatang ari ng mga kumpanya kahit na libre umano ang paggamit nitong mga binhi.Sa ngayon, nasa 300 biofortified na mga pananim na ang dinedebelop at ni-release sa buong mundo. Bagama’t wala pang napapamahagi sa mga magsasaka na GM, marami sa mga ito ang naka-pila na at malapit na ding i-release.Kadalasang target ng mga biofortified na pagkain ang mga kababaihan at kabataan bilang mga pangunahin umanong benepisyaryo. Subalit itinuturing ng maraming mga komunidad sa kanayunan at grupo ng mga kababaihan sa buong mundo na ang sistema ng samu’t-sari at mga tradisyunal na pagkain ang tunay na solusyon sa kahirapan at malnutrisyon.Nananawagan ang GRAIN at ang mga partner nito, lalo na sa mga grupo ng mga kababaihan at pesante na masusing pag-aralan ang isyu ng biofortification – mula sa lokal, pambansa at pandaigdigang antas. May sapat na impormasyon at karanasan upang ipanawagan na ang pag-boykot sa mga biofortified na pananim at pagkain. Napapanahon din ang panawagan upang bigyang suporta o investment ang pananaliksik sa agrikulturang nakabatay sa agroekolohiya, lokal na kultura at soberanya sa pagkain.Maaaring i-base ang mga alternatibong pamamaraan sa pagsugpo sa kagutuman at malnutrisyon sa mga sumusunod na limang prinsipyo:1. Magbahagi ng mga impormasyon at edukasyon tungkol sa masustansyang pagkain at pamumuhay, na may diin sa mga kababaihan at pagkakapantay-pantay;2. Palakasin ng pamumuno ng mga kababaihan sa pagpapasya sa mga palisiya sa pagkain at pananaliksik sa mga sistema ng produksyon ng pagkain;3. Itaguyod ang dibersidad sa pagtatanim at samu’t saring pagkain, sa halip na piling pagkain lamang. Kabilang dito ang pagpapahalaga sa mga lokal na halaman at hayop, kultura sa pagakin, binhi at mga lokal na kaalaman na nagtitiyak ng kalusugan at nagpapatatag ng mga komunidad;4. Tiyakin ang suplay ng mura at abot-kayang presyo ng mga prutas at gulay. Ilaan dito ang mga subsidyo at iba pang pondong pampubliko sa halip na gamitin sa mga produkto ng mga malalaking kumpanya at pagpapalaganap ng mga pagkain pinroseso; at5. Tutulan ang neoliberal na kontrol sa pagkain at agrikultura na tinatrato ang pagkain at pananim bilang kalakal na pwedeng pagmay-arian o i-patente para sa mas malaking tubo ng mga kumpanya! Upang tugunan ang ugat ng kahirapan at kagutuman, kailangang manatiling hawak at kontrolado ng mga mamamayan ang pagkain at agrikultura.